Inihayag ng pioneer J-pop idol group na Pastel Mix (PASTEL∞MIX) ang pagdaragdag ng bagong miyembro sa kaniyang lineup sa katauhan ni Mel Pyon.
Bagong Miyembro at Opisyal na Kulay
Kakatawanin ni Mel Pyon ang opisyal na kulay na Dilaw (Yellow) para sa grupo. Si Mel Pyon, na nagdiriwang ng kaniyang kaarawan tuwing Mayo 22, ang pinakabagong karagdagan sa Davao-founded group habang ipinagpapatuloy ang tradisyon ng Pastel Mix sa paggamit ng “Pyon” moniker. Inaasahang maghahatid siya ng bagong enerhiya sa mga susunod na live performances ng grupo.
Ibinahagi ng Pastel Mix ang kaniyang kagalakan sa opisyal na anunsyo sa social media para sa pagtanggap kay Mel Pyon.
“We’re thrilled to announce that Mel Pyon has officially joined Pastel Mix! Let’s all give Mel Pyon a warm welcome and show her lots of love and support as she begins her journey with us!” pahayag ng grupo.
Maaari nang subaybayan ng mga tagahanga ang mga aktibidad at updates ng bagong miyembro sa kaniyang opisyal na Facebook page.
Pioneer J-Pop Idol Group sa Pilipinas
Itinatag noong Mayo 2011 sa Lungsod ng Dabaw, ang Pastel Mix ay isa sa mga kauna-unahang J-pop-inspired idol group sa Pilipinas. Kilala ang grupo sa kaniyang masiglang pagtatanghal sa entablado, tapat na pakikipag-ugnayan sa mga tagahanga, at pagtatanghal ng mga cover songs mula sa mga tanyag na Japanese idol groups at anime franchises tulad ng AKB48, Hello! Project, at Walküre.
Bukod sa mga cover, nakapaglabas na rin ang Pastel Mix ng sarili nitong mga orihinal na kanta tulad ng “Tonton Byoushi,” “Place I Belong,” at “Irreplaceable Ones.” Regular ding nagtatanghal ang grupo sa mga pangunahing anime convention, lokal na festival, at mga cultural event sa ibang bansa.
