IKA-33RD NA ‘CRAYON SHIN-CHAN’ MOVIE, DARATING NA SA MGA LOKAL NA SINEHAN SA BANSA

Mapapanood na sa mga lokal na sinehan sa bansa ang pinakabagong pelikula ng tanyag na anime franchise na Crayon Shin-chan, kasunod ng opisyal na anunsyo ng anime distributor na Muse Asia para sa “Crayon Shin-chan The Movie Super Strange! My Yōkai Monster Vacation.”

Inaasahang ipapaalam ng Muse Asia ang opisyal na screening schedules, mga kalahok na sinehan, at detalye sa pagbili ng tiket sa mga darating na araw sa pamamagitan ng kanilang opisyal na social media channels.

Misteryo at Pakikipagsapalaran sa Mundo ng Yōkai

Ang ika-33 na pelikula ng franchise ay umiikot sa pagbisita ng pamilya Nohara sa bayan ni Hiroshi sa Akita para sa isang festival sa tag-init. Subalit kasunod ng isang misteryosong kaganapan, bigla silang matatangay sa mundo ng mga yōkai monster kung saan kailangang harapin ni Shin-chan at ng kaniyang pamilya ang isang hindi inaasahang pakikipagsapalaran.

Pinamahalaan ng direktor na si Masaki Watanabe at isinulat ni Yoshiko Nakamura ang pelikula, sa ilalim ng produksyon ng Shinei Animation, TV Asahi, ADK Emotions, at Futabasha. Inawit naman ng Japanese singer-songwriter na si TOMOO ang opisyal na theme song nitong “Otona ni Nattara.”

Tagumpay sa Box Office at Mga Boses sa Likod ng Karakter

Unang ipinalabas ang pelikula sa Hapon noong Hulyo 31, 2026, kung saan agad itong pumwesto sa ikatlong puwesto (#3) sa box office sa opening weekend nito. Nakabenta ito ng mahigit 441,000 tiket at kumita ng 539.37 milyong yen (tinatayang $3.41 milyong dolyar).

Kabilang sa mga nagbigay-boses sa pelikula ang guest voice actress na si Sairi Itō bilang si Yako, kasama ang mga nagbabalik na cast members na sina Yumiko Kobayashi, Miki Narahashi, Toshiyuki Morikawa, at Satomi Koorogi.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *