Tapos na ang paghihintay ng mga tagasuporta ni Kuya Wil, Willie Revillame, dahil inanunsiyo na niya sa kanyang official Facebook page ang kanyang pagbabalik telebisyon.
Simula December 21, Linggo, 8PM, ay mapapanood na ang kanyang bagong game show na “WILYONARYO” sa kanyang sariling channel na WilTV na available sa Cignal Channel 10.

Saad ng kanyang Facebook page, “Narito na ang pinakahihintay ninyo! Magsisimula na ang milyon-milyong pa-premyo sa WILYONARYO! Abangan ang maagang Pamasko ni Kuya Wil dahil mapapanood na LIVE na LIVE ang WILYONARYO sa WilTV via Cignal Channel 10 simula ngayong DECEMBER 21, Linggo, 8PM!”
Nais ng programa na mamigay ng isa, dalawa, o tatlong milyon kada araw sa mga magre-register at mag-a-avail ng tickets sa wilyonaryo.com. Sa ganitong paraan, siguradong kasali sila sa mga pwedeng manalo at hindi tulad noon na kailangang nasa studio para mapili at maging milyonaryo.
Bukod sa WILPICK raffle game kung saan kailangang pumili ng kombinasyon ng apat na letra at isang kulay para manalo ng milyon, aabangan din ang BIGYAN NG JACKET YAN, SPIN A WIL, at HELLO, WILLIE na segments na tiyak magpapasaya sa mga manonood sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Abangan na ang WILYONARYO simula ngayong December 21, at mapapanood ito Lunes hanggang Linggo, tuwing 8PM sa WilTV via Cignal Channel 10, sa wilyonaryo.com, at sa kanilang official Facebook at YouTube accounts.
