Isang gabi ng kantahan, kulitan, at matinding pasiklaban ang bumalot sa Sing Galing: Sing-lebrity Edition Ultimate Pasingkatan: The Grand Kantawanan na ginanap sa Meralco Theater at umere noong March 14-15 at March 21-22 sa TV5.
Ang Millenial Singing Prince na si CJ Navato ang itinanghal na Ultimate Bida-Oke Sing-lebrity, laban sa kapwa Sing-lebrities niyang sina Johannes Rissler, Alexa Miro, Jay Gonzaga, Sexbomb Monic, at Nikki Valdez.


Ipinamalas ni CJ ang kanyang galing sa kanyang sariling rendition ng “Warrior Is A Child” na orihinal na inawit ni Gary Valenciano. Umantig ito sa puso ng mga jukebosses na sina Ariel Rivera, Jessa Zaragoza, Dingdong Avanzado, Mitoy Yonting, Nina, Vehnee Saturno, Ronnie Liang, Ella May Saison, Rey Valera, at ang first Sing Galing grand champion na si Ethel Booba.
Sa pagkapanalo ni CJ bilang Ultimate Bida-Oke Sing-lebrity, nagkamit siya ng cash prize na ₱500,000, 3-day 2-night stay for two sa Kalaiyaan Coast, ₱100,000 worth of furniture mula sa Sylpauljoyce at Solano Hotel, at ang Ultimate Bida-Oke Trophy na dinisenyo ng renowned visual artist na si Alon Palisoc. Nagkamit din ng ₱500,000 ang chosen bidaficiary ni CJ na si Erika Malle.

Ayon kay CJ, ito raw ang unang pagkakataon na siya ay itinanghal na panalo sa isang patimpalak, kaya malaking bagay para sa kanya ang Sing Galing: Sing-lebrity Edition journey niya.
“You always have to listen to whatever your heart is telling you. You have to know what your heart sounds like, kasi it will lead you to where you are supposed to be,” saad ni CJ tungkol sa kanyang pagkapanalo.
Itinanghal namang 1st Runner-Up si Johannes Rissler matapos niyang awitin ang “My Way.” Nag-uwi siya at ang kanyang Bidaficiary ng tig-₱250,000, bukod pa sa isang overnight stay sa Kalaiyaan Coast.

Sumunod sina Alexa Miro at Jay Gonzaga na kapwa tumanggap ng tig-₱200,000 para sa kanilang sarili at kani-kanilang Bidaficiaries, habang sina SexBomb Monic Icban at Nikki Valdez ay kapwa nagkamit ng tig-₱100,000, kasama rin ang kanilang mga Bidaficiaries. Lahat ng finalists ay ginawaran din ng overnight stay sa Kalaiyaan Coast bilang bahagi ng kanilang papremyo.


ISANG GABI NG REUNION PARA SA SING GALING
Nagmistulang reunion din ang grand finals ng Sing Galing: Sing-lebrity Edition sa muling pagsasama-sama ng dating contestants at Singlebrities ng programa. Kasama rito sina Patricia Javier, Anton Diva, Krissha Viaje, Dawn Chang, Mark Ian Garcia, Vitto Marquez, at Arman Salon. Dumalo rin ang Sing-lebrities mula sa 2022 edition ng Sing Galing: Sing-lebrity Edition na sina Joseph Bitangcol at Pepe Herrera.
Muli ring nakabalik sa Sing Galing stage ang Ultimate Bida-Oke Sing-lebrity naman noong 2022 edition na si Patrick Quiroz kasama ang dating Ultimate Bida-Oke Stars ng previous editions na sina Marimar Tua Parayao, Carmela Lorzano, Shanen Garciso, at ang Ultimate Bida-o-kid Star mula sa Sing Galing Kids na si Emil Malaborbor.
Mas pinasaya pa ang Grand Katawanan sa pamamagitan ng OVER sa SING-kulitan na hatid ng mga Singtokers na sina Jazzil Sarinas, Ari G., Yanyan De Jesus, Niko Badayos, at Queenay Mercado.
Nakasama naman ng Singmasters na sina Donita Nose, K Brosas, at Randy Santiago ang isa sa original hosts ng Sing Galing noong 1998 na si John “Sweet” Lapus.



Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Sing Galing: Sing-lebrity Edition, maaaring sundan ang kanilang opisyal na Facebook, YouTube, at TikTok accounts, pati na rin ang official social media pages ng MQuest Ventures.
