‘WILYONARYO,’ MAPAPANOOD SA SARILING
CHANNEL NI WILLIE REVILLAME NA ‘WILTV’
Pormal na nga ang partnership ni Kuya Wil, Willie Revillame, sa Cignal at MQuest Ventures para mapanood ang “Wilyonaryo” sa CHANNEL 10 ng nasabing DTH satellite provider.
Tatawaging “WilTV” ang channel na ito na magiging daan para mas marami pa ang makapanood ng kanyang bagong programa kung saan araw-araw ay may magiging milyonaryo.
Full-force ang Cignal at MQuest Ventures executives sa pangunguna ni MediaQuest President and CEO Ms. Jane Jimenez-Basas sa naging contract signing noong Biyernes, November 28, sa TV5 Media Center.


“This time around, it’s going to be a much bigger partnership because it’s beyond just a TV program. We’re actually going to help Kuya Wil build his own channel on Cignal, WilTV. We will assign a very premium position which is Channel 10. And hopefully, mag-expand po beyond Cignal ‘yung partnership namin,” ani Basas sa ginanap na contract signing.
Dumating mismo para magpakita ng suporta si MVP Group of Companies Chairman Mr. Manny V. Pangilinan at Metro Pacific top executive Mr. Ray Espinosa.
Nagpasalamat naman si Kuya Wil para sa premium channel na pinagkatiwala sa kanya, “Hindi lang ito, marami pang mga plano. At itong gagawin na ito ay hindi po para sa amin. Ito po ay para sa mga nangangailangan, sa mga taong hirap na sa buhay.”
Sabi pa niya, “Ano man pong title ng programa ko. Ano man pong channel ang puntahan ko, isa lang ang gusto namin. Ito ay makapagbigay ng saya, makapagbigay ng ligaya, at makapagbigay ng pag-asa sa bawat Pilipino.”


Nagbigay din siya ng iba pang aabangan sa “WilTV” tulad ng public service program na “Willingly Yours” na tutulong sa mga kababayan nating nangangailangan sa buhay.
Dagdag pa niya, “Yung pupuntahan namin, mga liblib na lugar na walang eskwelahan, walang bubong, walang wifi, walang TV. ‘Yung mga bangkerong walang bangka. Ito pong programang ito ay gagawa ng paraan.”
Sa ngayon, tuloy-tuloy aniya ang paghahanda ng buong production team ng “Wilyonaryo” para sa nalalapit na pagsisimula nito sa “WilTV.”
