ANI-ONE PHILIPPINES, INILUNSAD ANG NON-STOP TAGALOG-DUBBED ‘MY HERO ACADEMIA’ MARATHON PARA SA BUWAN NG WIKA

Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika at bilang pagsalubong sa ikatlong anibersaryo ng platform, inilunsad ng Ani-One Philippines ang “Byaheng Hero Ngayong Agosto!” isang espesyal na marathon ng all-Tagalog dubbed livestreams para sa sikat na anime series na My Hero Academia.

Sa ilalim ng campaign na #RoadTo3Years, eksklusibong mapapanood nang non-stop sa buong buwan ng Agosto 2026 ang Season 1 hanggang Season 3 ng serye na nakawika sa Filipino.

Iskedyul ng Non-Stop Tagalog-Dubbed Marathon

Maaaring sabayan ng mga Pinoy anime fans ang paglalakbay ni Deku at ng buong Class 1-A sa pamamagitan ng tatlong magkakahiwalay na livestream windows sa opisyal na YouTube channel ng Ani-One Philippines.

Magsisimula ang marathon sa Season 1 mula Agosto 13 hanggang 17, 2026, kung saan tampok ang simula ng kwento ni Deku, ang pagmana niya ng kapangyarihang “One For All” mula kay All Might, at ang kaniyang pagpasok sa U.A. High School.

Susundan ito ng Season 2 mula Agosto 20 hanggang 24, 2026, na magtatampok sa iconic na U.A. Sports Festival arc at ang matinding sagupaan ng mga bayani laban kay Hero Killer: Stain.

Gaganapin naman ang huling bahagi para sa Season 3 mula Agosto 28 hanggang 31, 2026, kung saan ipapalabas ang kwento ng Forest Training Camp, ang pagligtas kay Bakugo, at ang iconic na bakbakan sa Kamino District.

Pagpapalawak ng Anime sa Wikang Filipino

Layunin ng inisyatibong “Byaheng Hero” na bigyang-diin ang kahalagahan ng localized Tagalog dubbing ngayong Buwan ng Wika, upang mas mailapit ang mga pandaigdigang kwento ng anime sa puso at kultura ng mga manonood na Pilipino sa pamamagitan ng sariling wika.

Mula nang ilunsad ito noong Setyembre 2023 sa ilalim ng MediaLink, mabilis na lumago ang koleksyon ng Ani-One Philippines sa paghahatid ng mga Tagalog-dubbed at subtitled anime content sa bansa. Ang gaganaping marathon ay nagsisilbing pangunahing community event bago ang nalalapit na ikatlong anibersaryo ng channel.

“Ngayong Agosto, ipagdiwang natin ang Buwan ng Wika sa pamamagitan ng anime na nagbigay-inspirasyon sa milyun-milyong tagahanga sa buong mundo ngayon, mas mapapalapit pa sa bawat Pilipino,” pahayag ng Ani-One Philippines sa kanilang opisyal na anunsyo.

Mapapanood ang lahat ng livestream marathons sa opisyal na YouTube channel at social media pages ng Ani-One Philippines.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *