Opisyal nang inanunsyo ng Japanese telecom operator na NTT DOCOMO ang nakatakdang pagpapasara sa kanilang U.S. digital comic platform na MANGA MIRAI sa Disyembre 15, 2026, kulang dalawang taon mula nang ilunsad ito noong Marso 2025. Isinaad ng kumpanya na ang nagbabagong sitwasyon sa negosyo ang pangunahing dahilan ng naturang desisyon.
Mga Mahalagang Petsa at Pagbabago sa Serbisyo
Simula noong Agosto 19, 2026, hindi na gumagana ang mga bagong rehistrasyon, pagbili ng mga pamagat, at iba pang app functions ng platform. Pormal namang magtatapos ang lahat ng operasyon ng site at web access sa Disyembre 15, 2026, sa ganap na 11:59 PM PT, ngunit maaari pa ring basahin ng mga user ang kanilang mga nabiling manga sa pamamagitan ng “My Library” hanggang sa naturang petsa.
Account Migration sa MangaPlaza at Refund Policy
Upang mapangalagaan ang mga digital purchases ng mga gumagamit, ililipat ng NTT DOCOMO ang mga kwalipikadong library ng user sa MangaPlaza, na pinapatakbo ng NTT Solmare. Upang maging kwalipikado sa paglilipat, kailangang gumawa o mag-update ng MangaPlaza account ang mga user gamit ang kaparehong email address ng kanilang MANGA MIRAI account bago sumapit ang Setyembre 30, 2026.
Gayunpaman, hindi kasama sa paglilipat ang mga libreng pamagat at ang ilang piling paid manga volumes. Hindi rin kwalipikadong maglipat ng account ang mga user na wala pang 18 taong gulang sa Setyembre 30, 2026, samantalang maaari namang mag-opt out ang mga user sa pamamagitan ng website ng MANGA MIRAI. Para sa mga kwalipikadong user na may mga pamagat na hindi maitatransfer, mga user na wala pang 18 taong gulang, at mga nag-opt out, ipapadala ang mga tagubilin para sa refund sa pamamagitan ng email simula Nobyembre 2026.
