MIURA AYME NG ‘OBEY ME!’, SUSPENDIDO SA LAHAT NG APPEARANCES KASUNOD NG ISINAGAWANG INTERNAL REVIEW

Opisyal nang pinatawan ng suspensyon ng production team sa likod ng hit otome mobile game franchise na Obey Me! ang voice actor at visual kei singer na si Miura Ayme mula sa lahat ng kaniyang nakatakdang kaganapan at appearances.

Ang hakbang na ito ay kasunod ng isinagawang internal review ukol sa inamin nitong hindi angkop na pakikipag-ugnayan sa isang minor na tagahanga.

Opisyal na Pahayag at Agarang Suspensyon

Inilabas ang anunsyo noong Agosto 10, 2026 sa pamamagitan ng mga opisyal na social media channel ng Obey Me!, kung saan kinumpirma ang pagpapatalsik kay Miura Ayme sa mga nakatakdang iskedyul habang patuloy pa ang mas malalim na imbestigasyon.

“In light of our preliminary investigation and the acknowledged conduct, we have decided to suspend him from all upcoming events as we continue the investigation. While our relationship with the artist is limited strictly to appearances and related services as a cast member, we prioritize the safety of our community above all else, as well as the trust we have built together over the years.”

Inihayag ng pamunuan ng franchise na maglalabas sila ng mga susunod na abiso ukol sa mga pagbabago sa iskedyul ng mga kaganapan, promotional activities, at cast roster ng proyekto.

Detalye ng Alegasyon at Reaksyon ng Publiko

Nagsimula ang aksyon laban sa voice actor kasunod ng mga ulat na pumasok si Miura sa direktang pribadong komunikasyon at personal na pakikipagkita nang walang kasama sa isang English-speaking minor na tagahanga sa loob ng dalawang taon.

Noong Agosto 7, 2026, pampublikong inamin ni Miura ang pagkakaroon ng pribadong ugnayan at pakikipagkita sa naturang minor, bagaman itinanggi niya ang anumang lantarang sexual misconduct. Ang kaniyang pag-amin ay nagdulot ng malawakang galit at pagkabahala sa international community ng Obey Me!, kung saan nanawagan ang mga tagahanga para sa higit na pananagutan at mas mahigpit na safety measures sa komunidad.

Pagbisita sa Pilipinas at Epekto sa ‘Obey Me!’ Franchise

Matatandaang hindi na bago si Miura Ayme sa mga Pinoy otaku at otome game fans, kung saan ang kaniyang pagtatanghal sa Toycon Summer Prelude ang isa sa kaniyang mga naging huling live performance at guesting sa bansa.

Si Miura Ayme ay isa sa mga pangunahing boses at personalidad ng Obey Me! simula noong ilunsad ito. Siya ang nagbigay-boses sa karakter na si Asmodeus at nagtanghal ng mga tanyag na theme song ng laro tulad ng “Sinful Indulgence,” “Celestial Ray,” at “Devil’s Way.”

Binigyang-diin ng pamunuan na sineseryoso nila ang usapin at patuloy nilang inuuna ang seguridad at kapakanan ng buong komunidad habang nagpapatuloy ang opisyal na pagsusuri sa insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *