Sa pagdiriwang ng kanilang ika-100 anibersaryo, opisyal inilunsad ng sikat na Japanese publishing giant na Shueisha Inc. ang “MANGA MILLION”, isang makabago at limited-time na global digital platform na nag-aalok ng libreng access sa halos 400 manga series na umabot sa kabuuang isang milyong pahina at naisalin sa higit 100 wika.
Libre, Pangkalahatan, at Walang Kailangang Account
Maaaring ma-access ang MANGA MILLION sa buong mundo nang hindi kailangang magparehistro ng account o magbayad ng subscription fees. Mananatiling bukas at magagamit ang platform hanggang Disyembre 2027.
Dahil dito, ang mga mambabasang Pilipino at mga tagahanga sa iba’t ibang panig ng mundo ay may pagkakataong makatuklas ng napakalawak na koleksyon ng manga nang walang anumang bayad.
Higit 100 Wika na Isinalin ng mga Tao
Isa sa mga pangunahing tampok ng platform ay ang multilingual availability nito, kabilang ang mga opisyal na edisyon sa Tagalog, English, Hindi, Spanish, French, Arabic, Chinese, Polish, Turkish, Korean, at marami pang iba.
Binigyang-diin ng Shueisha na ang lahat ng mga salin ay pinamahalaan ng mga propesyonal na human translators upang matiyak ang mataas na kalidad ng edisyon at ang tunay na boses ng bawat karakter.
“One of a publisher’s most important responsibilities is to connect creative talent with the public. We hope MANGA MILLION will create new connections with readers worldwide, provide opportunities to experience the richness and diversity of manga culture, and inspire future generations of manga creators,” pahayag ni Shueisha President at CEO Hideaki Hayashi.
Mga Tampok na Serye at Bagong Salin
Kabilang sa mga sikat na pamagat na available sa platform ang mga pandaigdigang hit gaya ng One Piece (na pumasok na sa 107 wika), Chainsaw Man, Naruto, Bleach, Demon Slayer, Jujutsu Kaisen, Kingdom, SPY x FAMILY, at Oshi no Ko.
Tampok din sa koleksyon ang higit 150 paboritong serye para sa female demographic tulad ng NANA at Kimi ni Todoke.
Bukod dito, humigit-kumulang 300 serye ang nakatanggap ng kanilang opisyal na English at global digital debuts, kabilang ang mga klasikong pamagat tulad ng Kochikame, Katekyō Hitman Reborn!, at Bobobo-bo Bo-bobo.
Bagong Yugto para sa Mambabasang Pilipino
Sa pamamagitan ng makaysayang antas ng proyektong ito, inaasahang magbibigay ang MANGA MILLION ng panibagong karanasan sa mga Pilipinong tagahanga ng manga. Ang pagkakaroon ng mga opisyal na saling Tagalog ay isang malaking hakbang upang mas mapalapit ang kultura ng Japanese comics sa lokal na mambabasa.
