Sa pagsisimula ng Agosto at pagdiriwang ng Buwan ng Wika, muling ipinamalas ng Pinoy otaku community ang kanilang likas na pagkamalikhain sa social media sa pamamagitan ng bagong online trend na #AugustAnimeTagalogPosting, na inilunsad ng Facebook meme group na KRP: Arise.
Tagalog at Anime: Pinoy Humor at Kultura sa Isang Kampanya
Layunin ng kampanya na ipagdiwang ang pambansang wika sa makabago, kwela, at relatable na paraan. Hinikayat ng grupo ang mga netizen at anime fans na isalin sa Filipino ang mga pamagat, linya, at promotional poster ng mga sikat na anime series, gamit ang Pinoy humor at pang-araw-araw na karanasan. Narito ang ilang halimbawa ng mga memes nila.
Mula nang simulan ang trend, bumuhos ang fan-made edits at localized memes sa group feed. Ang mga sikat na anime series tulad ng Smoking Behind the Supermarket with You, You and I Are Polar Opposites, Chainsmoker Cat, at School Days ay binigyang-buhay gamit ang Tagalog na pamagat at Pinoy na pananaw. Hindi rin nagpahuli ang paggamit ng Pinoy slang at mga hugot lines upang gawing mas benta sa mga netizens ang bawat artwork at meme edit.
Dahil dito, libo-libong reaksyon at komento ang natanggap ng bawat post habang patuloy ang ambagan ng mga miyembro ng kani-kanilang bersyon ng localized anime titles. Ayon sa mga netizens, isang malinaw na patunay ito na ang wikang Filipino ay dynamic at kayang-kayang sabayan ang daloy ng modernong pop culture.
Ang Anime at Wikang Filipino: Magkasabay sa Paglago ng Pop Culture
Hindi na bago sa mga Pilipino ang Tagalog-dubbed anime. Mula pa sa mga klasikong palabas sa mga malalaking lokal na TV network tulad ng GMA at ABS-CBN, naging malaking bahagi na ng pop culture at pagkabata ng maraming Pinoy ang panonood ng anime na nakawika sa Filipino.
Sa kasalukuyan, pinalalawak pa ang gawaing ito ng mga digital platforms tulad ng Ani-One Asia, na patuloy na naghahatid ng opisyal na Tagalog subtitles at localization para sa mga bagong serye. Sa pamamagitan ng #AugustAnimeTagalogPosting, muling pinapatunayan ng Pinoy otaku community na buhay na buhay at patuloy na lumalakas ang ugnayan ng wikang Filipino at anime sa bansa.
